Pahayag ng PAKISAMA sa Ateneo Senatorial Forum

Ang Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA) ay binuhay pagkatapos ng EDSA People Power Revolution noong 1986 – 30 years na ngayon. Dinadala ng PAKISAMA ang karanasan ng mga katutubo at iba pang batayang sektor. Doon sa problema ng mamamayan sa APECO sa Casiguran, Aurora, isa ang PAKISAMA sa mga nanguna at tumulong sa kanila para mapakinggan ang kanilang hinaing. Sa APECO o Aurora Pacific Economic Zone ay marami ang mawawalan ng kabuhayan dahil apektado sila sa mga proyekto tulad ng airport at iba pa. Matagal nating linabanan yan hanggang sa naglakad ang mga katutubo magmula Casiguran hanggang Malacañang. Dito sa Ateneo ay maalab silang sinalubong. Sa kasamaang palad, luhaan silang umuwi dahil hindi sila pinakinggan ng pamahalaan.

Ang PAKISAMA ay binubuo ng mga magsasaka, mangingisda, kababaihan, kabataan at mga katutubo sa kanayunan. Isa ang PAKISAMA sa mga nanguna at nagsulong noong 1988 upang magkaroon ng batas sa repormang agraryo – yung Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Hanggang matapos ang termino nito, dahil hindi pa tapos ang pamamahagi ng lupa ng Department of Agrarian Reform (DAR), noong 2009 nanawagan ulit tayo na kailangan maituloy ang repormang agraryo sa pamamagitan ng CARPER – Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms. Sa kasawiang palad nagtapos na ito noong Hunyo 2014. Kung natatandaan ninyo sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Noynoy Aquino, sinabi niya, “Tatapusin ko ang repormang agraryo.” Ilang buwan na lang matatapos na ang kanyang termino pero mukhang malabong matapos ang pamamahagi ng lupa lalong-lalo na sa mga kasama nating magsasaka na wala pang sariling lupa – yung nakikisaka lang.

Sa datos na nilabas ng DAR, meron pang humigit kumulang 700,000 ektaryang lupa ang hindi pa naipapamahagi sa mga magsasaka. Ang aming panawagan ay ituloy ang CARPER. Nananawagan rin tayo na magkaroon ng Agrarian Reform Commission para malaman kung ilan ba talaga ang nabigyan ng lupa; ilan pa talaga ang dapat ipamahagi; at kung sa magsasaka ba talaga naipamahagi ang lupa.

Noong Nobyembre 2014 maalab na tinanggap ng Ateneo de Manila University ang 71 magsasaka sa niyugan na naglakad mula Davao City hanggang Malacañang upang manawagan na magkaroon ng batas para sa coco levy ng mga magniniyog – yung Coconut Farmers and Industry Trust Fundbill. Simula 1972 hanggang1982 ang coco levy ang naging buwis sa mga magniniyog mula sa kanilang binebentang copra. Dahil sa interes, ang perang pinagtatalunan sa ngayon ay umabot na sa 71 bilyon pesos at ito ay hawak na ng National Treasury. Kasama tayo sa nagsulong sa initiative bill para pangalagaan ang pondo ng coco levy. May mga kaibigan tayong Congressman na nag-sponsor ng panukalang batas. Sa madaling sabi, naipasa ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund bill sa Lower House ng Kongreso; yun nga lang po ay hindi naipasa sa Senado hanggang sa magsara ang sesyon noong Pebrero 2016. Ang nakakalungkot dito, noon pang Disyembre 2014 naglabas ng Entry of Judgement ang Korte Suprema para sa kasong ito (SMC shares). Malaking pakinabang sana ito sa 3.5 milyong magniniyog kung naipasa ito. Maganda ang pagkakasulat sa panukalang batas dahil sa principal na 71 bilyon pesos, ang gagamitin lamang po para sa mga proyekto sa magsasaka sa niyugan ay yun lang interes na 3 bilyon pesos taon-taon; ang principal ay pangangalagaan.  Pinapangalagaan ang pondong ito para hindi magamit sa eleksyon. May pag-asa pa naman tayo sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo-Hunyo 2016 kung maisingit ang panukalang batas na yan.

Ganoon rin ang gusto nating mangyari sa sinusulong nating National Land Use Act dahil kapag hindi maayos ang paggamit ng lupa, apektado yung mga kapatid natin na magsasaka, katutubo, mangingisda. Ayaw itong ipasa dahil mawawalan ng kontrol ang ilang mambabatas na real estate ang kanilang negosyo; kaya naman tuloy ang land conversion sa lupang sakahan – ang makikita sa ngayon sa mga palayan ay puro subdivision. Ang aming pinangangambahan, lumiliit ang ating lupang sakahan at lumiliit din ang ating food security. Kung wala nang tataniman ang mga magsasaka, gutom ang bansang Pilipinas!

Dapat ring maisabatas ang National Food Security Bill. Ang institutional food purchase ay makakatulong sa mga magsasaka dahil kung partnership ang pag-uusapan sa gubyerno, hindi na sila mahihirapan sa pagbebenta ng kanilang produkto – dahil may agarang market, hindi masasayang ang kanilang itatanim.

Share

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *