Article
Pahayag ng PAKISAMA ukol sa Terror Bill
Ang Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA) na binubuo ng mga samahan ng maliliit na magsasaka, mangingisda, katutubo, at mga kababaihan sa kanayunan sa 40 probinsiya ng bansa, kasama ang lumalawak na samahan ng mga mamamayan, ay mariing kinokondena ang pagpasa sa kongreso ng Anti Terrorism Law of 2020. Sa ngalan ng pagpuksa sa terorismo nilalabag nito ang Saligang Batas lalo na ang patungkol sa pagtatanggol sa karapatang pantao at malayang pamamahayag. Tinatakot ng batas na ito at nilalagay sa panganib ang buhay at seguridad ng mga aktibong lider, development workers, at mga karaniwang mamamayang nagpapahayag ng katiwalian ng pamahalaan.
Sa loob lamang ng isang araw at di nabigyan ng pagkakataong makapagsalita ang ilang oposisyon, madaliang ipinasa ng Mababang Kapulungan ang kinopyang bersiyon ng batas na ipinasa sa Senado. Wala nang mangyayaring bicameral conference at tanging pirma na lamang ng Pangulo ang hinihintay upang maging tuluyang batas ito. Si Pangulong Duterte mismo ang nag-utos sa Kongresong madaliin ang pagpasa ng panukalang batas.
Ayon sa ipinasang batas ng kongreso, maaaring i-tag o bansagan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang sinumang indibidwal o organisasyon bilang terorista at maaaring makulong sila nang panghabambuhay. Kasama rin dito ang ilang akto katulad ng “threatening at proposal to commit terrorist acts” na hindi malinaw and depinisyon at maaaring maabuso. Kasama rin sa nilalaman ng batas ang pagpapahintulot sa warrantless arrest sa mga pinagsususpetyahan na terorista na maaaring tumagal ng 14-24 na araw gayundin ang wiretapping at surveillance sa loob ng 60-90 na araw, red-tagging sa mga estudyante, at pag freeze ng mga assets ng mga tataguriang terorista. Ang mga probisyong ito ay malaking banta sa kalayaan at right to privacy ng mga indibidwal at organisasyon na may lehitimong puna at panukala sa pamahalaan.
Bilang pambansang kompederasyong aktibong nagsusulong ng mga karapatan ng mga magsasaka, mangingisda, katutubo, at kababaihan sa kanayunan katulad ng karapatan sa lupa, malayang pangingisda, at lupaing ninuno, biktima kami ng mga makapangyarihang landlord, traders at kapitalista, at ilang taong-gobyerno, kasama na ang militar, na nagtulong- tulong upang hadlangan ang pagpapatupad ng mga batas para sa amin. Tatlong lider na namin sa PAKISAMA, sina Nong Rene Penas, Vic Paglinawan, at Flor Caya, ang pinaslang dahil sa kanilang paninindigan para sa repormang agraryo at pagdepensa ng katutubo laban sa mapanirang mina. Ang mga lider naming mga katutubo na kasalukuyang tumututol sa Kaliwa Dam at tinatakot at pinagbabantaan, at binabansagang mga komunista. Kapag naipasa ang Anti Terrorism Act of 2020, nangangamba kaming muling maulit ang bangungot ng Martial Law o lalong lumala pa.
Sa panahon ng COVID-19, hindi pananakot kundi mabuting serbisyo ang hinihingi ng mamamayan. Dapat mas pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mass testing, SAP, paghinto sa pagnanakaw sa mga inilaang bilyun bilyong piso ng Kongreso upang labanan ang pandemya, at pamimigay ng sapat na ayuda lalo na sa milyun milyong nawalan ng trabaho at mga magsasakang nalugi nang lubos dahil hindi mabili ang kanilang mga produkto.
Hindi kailangang maging terorista mismo ang pamahalaan upang labanan ang terorismo. Mabuting pamamahala at serbisyo ang pangmatagalang solusyon sa terorismo. Mahalagang may akmang mga batas laban sa terorismo. Nguni’t hindi kailanman dapat isakripisyo ang mga karapatang pantaong ginagarantiya ng Saligang Batas. Kasama sa mabuting pamamahala ang mga mamamayang tumutulong isiwalat ang mga katiwalian ng pamahalaan. Dapat silang ipagtanggol at proteksyunan ng pamahalaan. Hindi sila dapat takutin at kitlan ng karapatan at patahimikin.
Nananawagan po tayo kay Pangulong Duterte, dinggin po ninyo ang mga lumalawak at mariing pagtutol ng mga mamamayan sa ipinasang Terror Bill ng kongreso. Hinahamon natin ang Korte Suprema, ang huling takbuhan ng mga inaapi, na gawin ang kanilang tungkuling ipagtanggol ang Saligang Batas at ang pangingibabaw nito sa sinumang gobyerno ng bansa. Nananawagan tayo sa lahat ng mga magasasaka, mangingisda, katutubo, mga kilusang masa, at lahat ng mamamayang Pilipino na pa-igtingin ang ating pagkakaisa at sama samang pagkilos sa pagtatanggol sa ating mga karapatang pantao at demokrasya.
Mas kailangan ng mamamayan ng batas na mapaglingkod at makatarungan. Hindi batas na mapanikil sa karapatan ng mamamayang Pilipino.