A R T I C L E
___
Ang Laban ng mga taga-Marihangin Para sa Bugsuk
By: Tracy Mae Ildefonso
June 26, 2025

ANG ISTORYA
Sa pinaka-timog ng Palawan matatagpuan ang mala-paraisong isla kung saan naka-tatag ang Sitio Marihangin sa Brgy. Bugsuk. May laking tatlumpung walong ektarya ng lupain, ang Sitio Marihangin ay pinamumuhayan ng mga katutubong Molbog at Cagayanin. Ang kanilang mga ninuno ay matagal nang naninirahan sa isla mula pa noong sinaunang panahon (time immemorial).
Sa gitna ng banta ng pagkamkam ng kanilang lupa mula sa ilang pribadong indibidwal at korporasyon na nagsimula pa noong 1970s, naghain ng aplikasyon ang mga katutubo ng Certificate of Ancestral Domain Titles (CADT) noong 2005. Ito ay upang legal na mapasakanila ang lupang ninuno at makilala ang kanilang mga karapatan bilang mga miyembro ng Indigenous Cultural Communities at Indigenous Peoples. Ngunit hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring responde hinggil sa kanilang aplikasyon.
Litrato mula sa Facebook page ng CBCP Episcopal Commission on Indigenous Peoples.
Jumrasol Isa, Katutubong Molbog
“Ako po ay isang katutubong Molbog, naninirahan sa Marihangin, Bugsuk, Palawan… Noong araw, ang Bugsuk po wala pang katau-tao po, kami ay naninirahan na diyan sa isla ng Marihangin. Yung mga magulang namin, kung may makakakita ng bangkang malalaki, yung mga kabataan (ay) itatago nila pa sa gubat. Titingnan muna nila yung bangka kung ano ba, kung masamang tao ba o maganda ba. Kung masamang tao, hindi palalabasin yung (mga) bata. Kung mga mabubuti na tao, ilabas. Bakit sa ngayon, nangyari sa isla namin, inaangkin ng kumpanya ng San Miguel? Pansamantala, wala man silang nakatira diyan po sa lugar ng Marihangin. Bakit inaangkin nila? Iyon lang ang ipinag-tataka ko.”
Panuorin ang buong panayam kay Jumrasol Isa sa Facebook page ng Sambilog-Balik Bugsuk Movement.


ANG PROBLEMA
“Pinapalayas po kami ng kumpanya na San Miguel Corporation sa lugar po namin sa Mariahangin para sa kanilang project na eco-tourism. Inaalukan po kami ng pera, P100,000. Yung hindi po nasilaw na mga tao, inalukan pa po nila ng mas mataas. Ginawa nilang P400,000. Noong June 29 (2024), nag-deploy po ng mga armadong kalalakihan. Nagpaputok sa mga residente at mga kabataan noong panahon na iyon.” – Angelica Nasiron, katutubong residente ng Marihangin
Panuorin ang buong panayam kay Angelica Nasiron sa Facebook page ng Sambilog-Balik Bugsuk Movement.
Panuorin
Mapapanuod sa video ang maikling pagpapakilala sa Sitio Marihangin at ang problemang lupain na nararanasan ngayon ng mga katutubo at mga residente.
Link sa video: https://marihanginvidforpakisama.my.canva.site

Panuorin ang pahayag ng suporta mula kay Socrates Banzuela ng PAKISAMA Inc., at siya ring coordinator para sa Sambilog-Balik Bugsuk Movement.
ANG KASALUKUYAN
“Ako po ay nananawagan, sana po ay kami’y inyong tulungan at inyong mapansin ang aming isyu sa Marihangin nang sa ganoon po ay makapag-hanapbuhay nang maayos ang aking mga magulang… marami na rin pong estudyante na maipagpatuloy po ang pag-aaral at mamuhay na rin po ng tahimik nang hindi na po natatakot at nakakakain ng maayos ang mga magulang namin… Kami po ay humihingi ng tulong dahil hirap na hirap na po kami sa aming sitwasyon sa isla. Gutom. Takot. Kaba. Yung mga magulang namin, halos inaatake na po sa sobrang takot.” – Jehaida Favila, isa sa mga estudyante sa Marihangin na kinailangang huminto sa pag-aaral dahil sa tensyon sa isla.
Panuorin ang buong panayam kay Jehaida Favila sa Facebook page ng Sambilog-Balik Bugsuk Movement.


Ang mga katutubo at residente ng Sitio Marihangin, Brgy. Bugsuk ay nananawagan ng tulong at hustisya na sila ay legal nang mabigyang pagkilala ng kanilang karapatan sa lupain. Nais ng mga residente na maibalik ang mapayapang pamumuhay sa isla, maituloy ang pag-aaral ng mga estudyante at ang paghahanap-buhay ng komunidad.
Ang mga katutubo at residente ng Marihangin ay kailanman hindi kinailangan o nanghingi ng ayuda mula sa gobyerno. Sila ay namumuhay ng sagana dahil sa pangingisda, agar agar seaweed farming, at mga produktong agrikultura. Ang banta sa kanilang maayos at kuntentong pamumuhay para lamang sa pribadong interes ng iilang mga indibidwal ay magdudulot sa kanila ng kahirapan sa hinaharap kung sila ay palilipatin sa iba’t-ibang lugar sa bansa at kailanganing maghanap-buhay na hindi angkop sa kinagisnang pamumuhay.
Makatarungan ba ang ganitong sapilitang kapalarang ipapataw sa mga taga-Marihangin na umpisa’t umpisa pa lamang ay namumuhay na ng independiente? Mas mahalaga ba ang iilang tao kaysa ma-preserba ang kultura, pagkakakilanlan, at buhay ng mga katutubo sa Marihangin?
Tarhata Pelayo, katutubong Molbog
“Sobra sobra na po ang pang-ha-harass nila sa amin. Hindi kami makapag-hanap buhay ng maayos… Kahit milyon pa po ang ibayad nila, ipaglalaban ko talaga ang karapatan ko po. Hindi ako papayag talaga na makaalis duon sa isla. Mabuti pa kaming mamatay na lang diyan sa lugar namin. Alam namin, nandiyan ang libingan ng mga ninuno namin. Sama sama na lang po kami diyan para po kami mabuhay diyan sa isla namin na magandang buhay namin.”
Panuorin ang buong panayam kay Tarhata Pelayo sa Facebook page ng Sambilog-Balik Bugsuk Movement.

pagpapasalamat
Ang pagsusuring ito ay suportado ng Marie Curie Research and Innovation Staff Exchange scheme ng H2020 Programme (Grant Acronym: LABOUR, GA: 101007766).
PAGKILALA
Ang mga video at litrato ay mula sa Facebook page ng Sambilog – Balik Bugsuk Movement, sa tulong ng Fair Finance Philippines at Jesuit Communications, at ng CBCP Episcopal Commission on Indigenous Peoples.
PETISYON
Suportahan ang petisyon na maibalik ang lupain sa mga taga-Marihangin sa pamamagitan ng inyong pirma.
donasyon
Ang donasyon ninyo ay makakatulong na masuportahan ang mga legal na gastusin ng mga katububo sa kanilang laban sa lupa, pati na rin sa kanilang planong alternatibong turismo sa isla ng Marihangin. Maaring mag-donate sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Go Get Funding
- Paypal
- Gcash
- Bank Transfer
- Bank of the Philippine Islands (BPI)
- Bank Account No.: 3083 7527 68
- Bank Account Name: Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA) Inc.
